Wednesday, March 12, 2008

"Emilio Aguinaldo, Isang Mamamatay Tao?"

Noon pa man ay may alitan ng nagaganap sa ating mga pinuno at bayani. Marahil ay isa na itong sakit nating mga Pilipino, ang maghatakan pababa sa halip na magtulungan tayo para sa asenso. Hindi sa lahat ng bagay at pagkakataon ay ganito ang sitwasyon, may mga pagkakataon kung saan ang isa ay nagmamalabis ng kanyang kapangyarihan upang mapunuan ang kanyang sariling interes at kagustuhan. Sadya bang sakim at ganid ang mga taong namumuno sa atin? Hindi na ba magaganap ang isang bukas kung saan hindi na darating ang araw kung saan maghahalo ang balat sa tinalupan? Nagmimistulang mga pipeng saksi ang mga kabataan na nakakulong sa apat na sulok ng silid na uhaw sa katotohanan, mabuti pa ang mga isdang nasa loob ng salaming kahon kung saan inaakala nilang nasa dagat pa din sila. Ang mga kabataan na nais malaman ang katotohanan upang hindi na masundan ng isa pang kamalian ang nakaraang kamalian. Ninanais naming maituwid ang mga bagay na liko-liko ngunit paano magbabago ang sistemang ginagalawan natin kung hindi masisilayan ng mga kabataang Pilipino ang tunay na kadiliman ng nakaraan. Naniniwala ako na mas liliwanag ang bukas kung malayang mailalahad ang mga katotohanan ng kasaysayan.

“Si Aguinaldo ay sumuko bilang isa sa mga kondisyon ng kanyang nilagdaan na Pact of Biak na Bato at tumanggap ng 400,000Php pagpunta niya ng Hongkong.” Talaga bang noon pa man ay may mga presyong katumbas ang ating mga pinuno? Noon pa man ay medyo talamak na ang korupsyon sa ating bansa. Katanggap-tanggap naman ang katotohanan na may mga tao talagang sakim at gahaman sa mga bagay kagaya ng pera, kapangyarihan, kasikatan o ano pa man nakakalungkot lang isipin na karamihan ng mga pinuno ng ating bansa ay hindi nagsisilbing modelo sa kabataan. Puro kaguluhan at korapsyon ang laman ng mga pahayagan noon at maging ngayon 'tila wala ng nagbago at paulit-ulit na lamang ang pagmamalabis ng mga kinauukulan. Kung sa bagay, sino ba naman ang hindi magnanais maging parte ng kasaysayan para mapag-aralan ng mga kabataan sa susunod na henerasyon.

“Nahanap na po ba ang mga putol-putol na labi ni Andres Bonifacio upang mailipat siya sa libingan ng mga bayani at mabigyan ng maayos na libingan?

Ayon sa batas, sobrang tagal na ng panahong lumipas at patay na din ang mga taong may sala sa krimen kay Bonifacio. Wala ng mapaparusahan, ang dapat maganap ngayon ay mailimbag sa mga aklat na ginagamit ng mga mag-aaral ng kasaysayan maging sa mga kabataan upang mamulat sila sa katotohanan. Isa din sa kanilang karapatang pantao na malaman ang katotohanan sa mga nangyari noong nakaraan. Nakakalungkot lang isipin na may mga taong napupuri ng sobra ngunit hindi nababatikos sapagkat natatabingan ng kasikatan ang kanilang maitim na persona. Mahalagang malaman ng mga Pilipino ang tunay na naganap noong nakaraan, ito na lamang ang natatanging paraan kung saan mabibigyang hustisya kahit paano ang pagkamatay ng magiting nating bayani na si Andres Bonifacio.

No comments: